Sulatin: Ngayon, o ang kinabukasan ng EDSA

Mahirap tahakin ang pagtutuklas at pagbabahagi ng iba’t ibang pamamaraan at kadahilanan ng mga sakit na ngayon tumatagos sa bansa. Marahil na walang tiyak na sagot ang mga problemang hindi natin masolusyonan. Bagkus ito ang aking susubukan ngayong sagutin gamit ang sariling salita at isip: bakit nga ba naghihirap ang lipunan natin ngayon? Ilang dekada na nang lumipas ang isang katangi-tanging rebolusyon; ano na ang epekto ng EDSA I? Hindi man ako saksi sa mga pangyayari noong People Power I, saksi naman ako sa makubuluhang ngayon.

Mabilis sagutin ang nagtatatanong ng mga magagandang ugali ng isang Pilipino. Madalas na sagot ang malikhain, maaruga, masipag at mapagbigay. Paborito rin na ipagmalaki ng mga estudyante ang pagiging mapagpatuloy (magiliw sa mga panauhin; hospitable) ng mga Pilipino. Ang isang estrangherong dumadaan lamang ay kinakawayan at pinapakain ng kahit na pinakasimpleng pamilya. Lahat ay gagawin upang maging masaya at maginhawa ang karamdaman ng mga panauhin.

Ngunit kung titingnan ang ganitong ugali, hindi lang bulaklak at kasiyahan ang nagiging bunga. Maaaring ipalagay na sa sa ugaling ito rin umuugat ang isang sakit na sumusunod sa ating kabuhayan mula noong unang mga panahon hanggang sa kasalukuyan. Sa pagiging hospitable, pinakain natin ang mga dayuhan sa ating sariling hapag. At sa paghain ng palabas at magagandang gunita, hinayaan ng ating mga ninuno –at ng ating mga sarili sa kasalukuyan– na maaliw, mamangha at tumiwala ang sarili sa mga uring banyaga. Tinanggap natin ang mga estrangeherong ito; hindi lang natin sila pinakain at binigyan ng mapapahingahan. Inalok pa natin sa kanila ang ating tirahan, isipan at puso. Hindi man sadya, ngunit isang tunay na resulta ng ating pagiging mapagtiwala at ng ating kabataan bilang isang katauhan.

At nasaan na tayo ngayon? Hanggang sa araw na ito pinapapasok pa rin natin ang mga ideyang banyaga at kulturang naiiba. Hindi na personal ang tirahan ng Pilipino. Ito ay bukas sa kung anu-anong elemento, maganda man o masama, habang tayong taongbahay ay nanonood at nagbibigay payag sa pagnanakaw at pagbabago ng ating kasangkapan, sa dahilan na ito ang mga bisitang liberal, mga patakarang progresibo, mga salitang tuwiran at mga kilos na dapat tularan. Makikita ang ating kawalan ng pader sa ating pagtingkilik ng mga programang banyaga, sa mga balitang nakatutok sa White House, sa paghina ng sariling industriya at sining.

Mayroong argumento na may benepisyal na aspeto ang pagtanggap ng ideyang banyaga. Hindi ito makakaila. Marami ngang makikitang sitwasyon kung saan tumutugma ang ginagawa ng iba sa mga pangangailangan natin. Ang problemang lumilitaw ay ang kawalan ng kasarinlan. Tinatawag tayong manggagaya, puppet, walang isip. Hindi na natin naiisip ang sariling bansa bilang isang bansang sarili. Kahit sa ating mga pangarap hindi natin ninanais umunlad para sa kabutihan ng ating mga kapatid. Nais nating umunlad upang tumulad sa Estados Unidos, sa Tsina, sa mga Hapones.

At naibabalik ito sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ba’t tinanggap natin ang krus ng mga Kastila? Hinayaan ang panggagago ng mga pari’t opisyal? Inakala nating sila ang mga edukado, at tayo’y sumikap maging edukado sa lahat ng katangahang inaaral at pinapaaral nila. Nang naghihirap tayo sa giyera’t gutom, wala tayong nagawa. Ang kapangyarihang dating atin ay nakuha na ng mga ating pinagkatiwalaan. Nabenta na ang ating kaluluwa para sa mga huwad na pagbabagong pinangako. At hindi rin ba’t tinanggap natin ang tulong ng mga Amerikano, kahit na ang liberasyong hatid ay hindi liberasyong tunay? Tandaan na tinaggap natin hindi lang ang kanilang militar at armas, kung hindi ang kanilang walang kamatayang presensya at propaganda. Hindi ba’t pumayag tayo sa kanilang giyera, sa kanilang istilo, damit at pananaw? At hanggang ngayon nagbabayad pa rin tayo para sa kanilang tulong –tulong kung saan sila ang tunay na nakinabang at naiwanan ang bayan sa utang, tulong kung saan nakalbo ang mga isla at natakpan na ang araw. Hindi pa tayo natututong magsara ng pinto.

 …

Sa kwentong salita at sulat nasasabi na ang rebolusyong nagpasikat sa Pilipinas ay hindi nilakad ng buong bansa, kung hindi maliit na bahagdan lamang. Halintulad sa mga rebelyon at rebolusyon laban sa Kastila, Amerikano at Hapones, isang sektor lang ang naghirap sa kasarinlan. Sino? Ang mga edukado’t edukada. Hindi ang mayaman o mahirap, hindi lang ang mestiso. Mga taong hindi ignorante ang humubog sa mga panahong iyon, at malungkot kong masasabing nabibilang ang mga kasaping ito. Karamihan sa bansa ay walang nararamdamang sugat sa hustisya. Sa panahon ng mga pananakop –ilang daang taon din— naghirap ang Pilipinong may paninindigang iyan ang kapalaran nila sa kamay ng Diyos, sa gulong ng tadhana. Korupsyon? Pandadaya? Hindi, hindi maaring mangyari. O kung maisip man, ang mga ganitong kasakiman ay naiisip na kasama na sa mga pagsubok ng buhay. Hindi na mababago. Sa mga Marcos, Arroyo at Aquino na nagpapakitang gilas sa telebisyon, pahayagan at bansang kaibigan, walang bahid ng masama ang kayang masabi ng taong walang alam sa katotohanan, ng taong walang pagkakataon na tuklasin ang katotohanan.

At ang taong walang pinoproblema ay isang taong walang gagawin.

Pero sa panahong ginagalawan natin ngayon, dapat mas marami na ang may alam at nagiging aktibo sa lipunan. Free Information Act, TV Patrol, Inquirer at Sun, text, FB, tumblr… Hindi man lahat ng tao ay talagang nararating, ilang milyong daanan pa rin ang pwedeng pagkunan ng impormasyon. Ngunit nasaan tayo muli?

Sa wala. Sa hirap. Sa utang.

(Sa maliliit na pagkakataon ng kasiyahan.)

 …

Sa simula ng sulating ito, sinabi kong sasagutin ko ang kadahilanan ng mga problema natin ngayon. Nasabi ko na madali tayong malinlang ng mga waring magagandang bagay na alok ng mga banyaga. Nasabi ko na kulang sa aksyon at edukasyon. Ito’y malulutas ng mas maganda at mas malawak na edukasyon, hindi ba? Sa edukasyon makikita ang halaga ng sariling produkto, moralidad at ugali. Sa edukasyon makikita ang mga kasinungalingan ng mga nauna at kasalukuyang politiko’t lider. Sa edukasyon malalaman ng tao na may karapatan siya. Ngunit sa patuloy na pagsusulat ko nito, aking natanto na masyado pang maraming sagot ang pwedeng maibigay. Pero ito ay isa pang huling sagot na sa sarili ko nakikita:

Nakalimutan ko na.

 

Ang ika-25 ng Pebrero ay isang pambansang araw ng gunita. Yes, walang pasok! –iyan lang ang nasa isip ko. May isa nanamang araw ng pagtulog at pagkompyuter, paglalakad at pagkain. At sa tabi ko, kinikwento ng nanay ko ang halaga ng EDSA. Sumali siya sa martsa noon. Hindi ako nakinig.

At nasa isipan ko ang magkatunggaling ugali at kaalamang ito. Sa aming subdibisyon o probinsya ay walang tirahang mayabang na nagwawagayway ng makulay na bandila. Sa aking blog ay wala kang mahahanap na Filipinong salita. Sa aking mga pangarap ng mataas na paaralan o destinasyon, walang nabibilang na nasa arkipelagong ito. Ngunit alam ko kung ano ang ibig-sabihin at kasaysayan ng EDSA, EDSA Dos at kung anu-ano pang mga salita. Bilang estudyante, na-memorize ko na siguro ang mga taon ng pagdating nina Magellan, Lopez at Villalobos, ang pagbitay sa mga paring martyr, ang unang paglathala ng La Solidaridad, Tirad Pass, ang pagbomba ng mga siyudad at ang pagbaba ng halaga ng piso.

Ngunit nakalimutan ko na.

Nakalimutan ko na kung paano magmahal ng sariling bansa. Nakalimutan ko na kung paano matuto mula sa mga pagkakamali ng aking mga ninuno. Hindi ko na matandaan ang huling beses na kinanta ko ang Lupang Hinirang nang may damdaming lubos. Nakalimutan ko ng tandaan ang sakripisyo ng mga bayani. Nakalimutan ko na kung paano maging isang Pilipino.

Ha. Sino ba ang niloloko ko?

Hindi naman talaga ako natuto.

(Isang nota: ikinalulungkot kong sabihin na hindi ko maipahatid ang kabuuan ng aking isip. Kahit na Filipino ang una kong wika sa oral na pananalita, minsan ay nahihirapan akong magsulat gamit ang mga salitang ito.)

2 Comments Add yours

  1. …I don’t have the patience to read this. :( Sorryyyy

    1. I don’t think anyone has, honestly. =))) Just to say I can write in Filipino.

Say something back.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s