Ang tema ng World AIDS Day sa taong 2020 ay “global solidarity, shared responsibility”. Inaanyayahan tayong lahat na makilahok sa pagbigay suporta sa mga usapin at programang HIV at AIDS, lalo na sa gitna ng pandemya. Ang pagsagot sa problema ng HIV at AIDS ay nangangailangan ng pandaigdigang tugon.
Bilang isang Pilipino, ano ang kayang mong gawin para palawakin ang usapin tungkol sa HIV at AIDS?
✔️ Labanan ang epidemya ng maling akala ukol sa HIV at AIDS
✔️ Magpa-test para sa HIV at iba pang sexually transmitted disease
✔️ Suportahan ang mga adbokasiya’t panukalang nagsusulong ng libreng serbisyong pangkalusugan
✔️ Ugaliing makipagtalik nang mayroon proteksyon (condom) upang maiwasan ang pagkakaroon ng impeksyon
✔️ Isulong ang makataong usapin ukol sa sekswalidad
Ituloy ang usapan! ✨








Ano nga ba ang AIDS?
Ang ‘Acquired Immunodeficiency Syndrome‘, o AIDS, ay isang kondisyon kung saan nagiging mahina ang depensa ng katawan (o immune system) laban sa mga impeksyon at iba pang hindi karaniwang sakit, tulad ng pulmonya, kanser, tuberculosis, at impeksyon sa mata at sa utak.
Ito ang pinakamalubhang presentasyon ng panghabang-buhay na impeksyon na dulot ng HIV, o human immunodeficiency virus. Ito ay nakukuha mula sa pakikipagtalik nang walang proteksyon, pagsalin ng dugo mula sa taong may HIV, at paggamit ng hiringgilya na ginamit ng taong may HIV. Nakukuha rin ito ng sanggol na ipinanganak mula sa inang positibo sa HIV.
Sa simula, maaring wala pang sintomas ng impeksyon. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ang paghina ng immune system ay maaring humantong sa kamatayan.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na may pinakamabilis na pagdami ng kaso ng HIV. Ngayong 2020, mayroong 21 na bagong kaso ng HIV ang naitatala araw-araw. Malaking porsyento sa mga taong nabubuhay na may HIV ang mayroong depresyon.
Ang AIDS ay isang kondisyon kung saan humihina ang resistensya ng katawan laban sa sakit. Ito ay dulot ng virus na HIV.
⚠️ Mabilis ang pagtaas ng kaso ng HIV dito sa #Pilipinas, kaya’t kailangan pang pagtibayin ang serbisyo’t aksyon.
SOURCE: Department of Health, 2020
Mga Maling Akala Tungkol sa HIV at AIDS
BABALA SA MALING AKALA! 🚨
Magbahagi lamang ng impormasyon na base sa literatura’t ebidensiya.
Hindi totoo na:
❌ Nakukuha ang HIV mula sa paghalik at pagyakap
❌ Walang maaring gawin para labanan ang AIDS
❌ Mga taong may same sex relationship lang ang nagkaka-HIV
❌ Makasalanan talaga ang mga taong may HIV/AIDS
❌ Nakukuha ang HIV mula sa paggamit ng kubyertos o baso ng taong may HIV
Higit na Kaalaman Tungkol sa HIV at AIDS
Walang pinipiling edad, kasarian o SOGIE (*sexual orientation, gender identity and expression) ang HIV at AIDS. Bagkus karamihan ng mga bagong kasong ay nakikita sa mga kalalakihang edad 25 hanggang 34 years old, maaari rin itong makuha ng menor de edad at ng mga matatanda, at ng mga sanggol mula sa kanilang ina.
Maaari itong iwasan sa pamamagitan ng:
✅ Pakikipagtalik nang mayroong proteksyon (condom)
✅ Pakikipag-usap sa sex partner tungkol sa HIV at iba pang sexually-transmitted disease
✅ Hindi pagsalin ng dugo mula sa taong may HIV
✅ Hindi pagturok ng gamot gamit ang materyales na ginamit ng taong may HIV
✅ Screening at gamutan para sa mga nagbubuntis na mayroong HIV
✅ Pagbigay suporta sa mga taong may HIV
Usaping Tuberculosis (TB) at HIV
Laganap ang HIV at TB sa ating bansa.
Ayon sa WHO, ang tuberculosis ay isa sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga taong nabubuhay na may HIV.
Importanteng magpa-test ang mga taong may HIV para malaman kung mayroon silang tuberculosis. Importante rin na magpa-test ang mga taong may TB para malaman kung mayroon silang HIV.
Kung mayroon kang HIV at TB, kailangan mong simulan ang gamutan para sa parehong sakit. Ang gamutan para sa tuberculosis ay libre sa pamamagitan ng programang ‘Directly-Observed Treatment Short-course’ o DOTS sa mga piling health center at ospital.
Sa hinaharap, mas makatutulong ang mas mabilis at libreng serbisyo sa mga health center na tumutugon sa parehong sakit.
KNOW YOUR STATUS. Magpa-test na!
Ang pagpapa-test ay malaking tulong sa iyong sarili at sa iyong komunidad.
Hindi sapat ang sintomas o senyales para masabing may HIV o AIDS ka.
Maraming benepisyo ang naibibigay ng pagtest para malaman kung mayroon kang impeksyon. Sa pagpapatest, nakatutulong ka rin na:
✔️ Palakasin ang usapang HIV/AIDS
✔️ Pababain ang bilang ng impeksyon
✔️ Pababain ang bilang ng mga taong namamatay dahil sa AIDS
✔️ Simulan nang maaga ang tamang gamutan
Tamang Gamutan, Walang Hawaan
Wala pang gamot na tuluyang nakaaalis ng virus na HIV mula sa katawan, kaya ang pagkontrol dito ay panghabang-buhay gamit ang araw-araw na “antiretroviral therapy”. Ngunit, maaaring mabuhay ng tulad ng dati.
Ika nga nila, “undetectable is untransmissible”. Kapag kontrolado ang lebel ng virus sa katawan at hindi na ito matukoy sa testing, mas kontrolado rin ang epekto ng impeksyon na ito. Hindi na rin ito nakahahawa sa iba.
Bilang parte ng “global solidarity, shared responsibility” ngayong #WorldAIDSDay2020, kailangang pagtibayin lalo ang paghatid ng serbisyo’t gamot sa mga taong mayroong HIV.
Sa kasalukuyan, limitado pa rin ang pinansyal na suporta ng pamahalaan sa pamamagitan ng Outpatient HIV/AIDS Treatment Package. Limitado rin ang diskurso ukol sa usapin ukol sa mental health ng mga taong may HIV o may mga kapamilya na may HIV.
Tuloy ang usapan.
Resources
#SamaSama HIV Facilities and Support Map bit.ly/phhivmap2020
Salamat sa HIV and AIDS Policy Act of 2018 (RA 11166), ang mga menor de edad na 15 years old pataas ay maari ng kumuha ng HIV test nang walang paalam mula sa magulang.
Free HIV Testing Centers in NCR:
Philippine General Hospital, Manila
San Lazaro Hospital, Manila
LoveYourself Welcome, Manila
Klinika Bernardo Quezon City
Batasan Social Hygiene Clinic, Quezon City
Mandaluyong City Social Hygiene Clinic and Treatment Hub, Mandaluyong City
LoveYourself Anglo, Mandaluyong City
LoveYourself Uni, Pasay City
Victoria by LoveYourself, Pasay City
Lily by LoveYourself, Paranaque City
Free Testing Centers Outside NCR:
Region 1 Medical Center – Official PINAS Unit, Pangasinan
Dasmariñas Social Hygiene Clinic (Satellite Treatment Hub), Cavite
HERO by LoveYourself,Cavite
Loveyourself White House, Cebu City
Back to page: For Patients and Partners in Care