Dealing with Fake News in Medicine

FAKE NEWS BA YAN?

May panahon bang napatigil ka habang nasa Facebook dahil sa isang napaka-kontrobersyal na balita? May isang website na nagsasabing may gamot na ang pandemya, o may video na iginigiit na may lamang lason ang mga bakuna? 😲

TAMANG KAALAMAN, MABUTING KALUSUGAN ➡️ Nakabatay sa ating kaalaman ang ating susunod na aksyon. At ang ating pagkilos ang may kakayahang magbago sa ating kalusugan at kalagayan –pwede itong makabuti at pwede rin itong makasama. Sa ganitong palagay, ang fake news o maling impormasyon ay mas mapanganib pa kesa sa isang virus.

⚠️ Paano pwedeng labanan ang fake news? ⚠️

Para hindi malinlang ng maling impormasyon o kaya’y tumulong sa paghinto ng pagkalat nito, tandaan ang tatlong simpleng tanong:

1️⃣ Sino ang may akda?
2️⃣ Ano ang ebidensya?
3️⃣ Ano ang sinasabi ng iba?

At bago i-click ang share button, magdalawang-isip kung:

❌ Hindi mahanap ang mga detalye at contact information ng may akda ng sulatin o ng website
❌ Maraming pop-up at banner ads ang website, o may binebentang produkto
❌ Walang sanggunian, links o quote na sumusuporta sa pahayag
❌ Maraming pagkakamali sa pagbabaybay at pagkakasulat
❌ Gumagamit ng litrato na edited, walang kinalaman, o luma na
❌ Salungat sa report ng mga fact-checking website at ng mga mas kilalang awtoridad

Basahin ang mga sumusunod para madagdagan pa ang iyong kakayahang labanan ang fake news. 💪✨

TAMANG KAALAMAN, MABUTING KALUSUGAN

Fake news ba yan? At mga dapat tandaan bago magbahagi ng iba’t ibang impormasyon sa internet.

May panahon bang napatigil ka habang nasa Facebook o Twitter dahil sa isang napaka-kontrobersyal na artikulo? May isang balita na nagsasabing may gamot na ang pandemya, o may video na nagsasabing may lamang lason ang mga bakuna?

Nakabatay sa ating kaalaman ang ating susunod na aksyon. At ang ating mga gawain ang may kakayahang magbago ng ating kalusugan at kalagayan –pwede itong makabuti at pwede rin itong makasira. Sa ganitong palagay, ang fake news o maling impormasyon ay mas mapanganib pa kesa sa isang virus.

Basahin ang mga sumusunod para dagdagan pa ang iyong kakayahang labanan ang fake news.

Sino ba ang may Akda?

Siyasatin ang kredensyal ng mga may akda. Sino ang tao o organisasyon na responsable para sa impormasyon na iyong binabasa?

Sila ba ay kilala o may kredibilad? Maaari ba silang makausap kung may pagkakamali sa kanilang sinulat? Mayroon ba silang magandang reputasyon sa industriya?

TANDAAN: Ang titulong “doktor” o “PhD” ay hindi agad-agad patunay na dekalidad ang impormasyon. 🤔

Hindi lahat ng website ay pantay-pantay. Makakakuha ka ng ideya ukol sa kalidad ng impormasyon depende sa klase ng website.

May mga website na kailangan ng tamang kredensyal para mailathala. Halimbawa, tanging mga opisyal na ahensya ng gobyerno lamang ang maaaring magkaroon ng website na nagtatapos sa “.gov” imbis na “.com”. At walang kailangang kredensyal o patunay ng intensyon para magtayo ng isang website na nagtatapos sa “.com”.

Ano ang ibig sabihin nito?

☆☆☆ Mas mapagkakatiwalaan ang mga sulatin mula sa website ng mga unibersidad, ahensya ng gobyerno, at ‘international organizations’.

☆☆ Kung ito ay mula sa isang korporasyon (.org o .com), maging mapagmatyag laban sa ibang adhikain o motibo.

☆ Ang mga blog ay madalas naglalaman ng personal na opinyon lamang.

Ano ang Ebidensya?

Hindi lahat ng ebidensya ay mapagkakatiwalaan.

Nakasalalay sa pamamaraan ng pagkalap ng ebidensya ang kalidad nito. Ang opinyon ng isang eksperto ay mas mapagkakatiwalaan kumpara sa opinyon ng isang taong wala sa industrya, ngunit mas maganda pa rin ang ebidensya na nakabatay sa mga eksperimento at pananaliksik.

Ang mga “guidelines” o patnubay na inilalabas ng mga ahensya ng pamahalaan at ng mga samahan ng mga propesyonal ay madalas nakabase sa mga pinakabagong pananaliksik. Sinasamahan din ito ng mga konsiderasyon para sa lokal na konteksto at mga prayoridad ng lipunan. Ito rin ay mas madaling mabasa kesa sa mga orihinal na pananaliksik.

Susunod sa mga pampublikong patnubay ang mga pagbubuod ng mga pananaliksik, mga eksperimento, at mga nailathalang report. Kailangan magdalawang-isip kung ang sanggunian ay Youtube video mula sa hindi kilalang awtoridad.

Suriin ang basehan ng mga nakalathala.

Kahit eksperto o kilalang awtoridad ang nagsulat ng isang artikulo, maganda pa ring suriin ang mga inilabas na ebidensya.

Tignan kung may ibang sanggunian ang sulatin o opinyon
Basahin ang orihinal na pananaliksik o report
Gumamit ng fact checker tulad ng snopes.com at factrakers.org

Ano ang sinasabi ng iba?

Gumawa ng sariling pananaliksik para maiwasan ang bias.

Nagbabago ang katotohanan depende sa nagkwekwento nito. Maaaring may sariling motibo ang mga manunulat, at sila’y nagdadagdag pa ng malisya o ibang intensyon sa kanilang sulatin. Maaari ring nagkakamali lamang ng pag-uulat ang mga tao dahil sa mga hindi sinasadyang pangyayari.

Ang pagtingin sa ibang mga sanggunian, website o artikulo ay makatutulong sa pagbuo ng mas komprehensibong pag-unawa.

Makinig sa iba’t ibang opinyon ng tao.

Kung ikaw ay kumukuha ng impormasyon mula sa iisang grupo o organisasyon lamang, malaki ang magiging pahamak sa iyo kung mali pala ang mga impormasyong nakalap.

Ang pakikinig sa opinyon ng ibang tao at sa balita mula sa ibang panig ay kayang magbigay ng tamang perspektibo. Mas makikita mo rin kung may bias o kung mali na ang mga awtoridad na madalas mong kinikilingan.

NGUNIT TANDAAN: Wala sa lakas ng boses o sa bilang ng mga tagapagsalita ang katotohanan. Balikan pa rin ang pagsusuri ng mga motibo at ebidensya. 🤔


Mga naging inspirasyon

➡️ CrashCourse. (2019). The Facts about fact checking: Crash course navigating digital information #2 [YouTube Video]. https://www.youtube.com/watch?v=EZsaA0w_0z0
➡️ Keegan, J. (2019). Blue feed, red feed: See liberal Facebook and conservative Facebook, side by side. The Wall Street Journal. http://graphics.wsj.com/blue-feed-red-feed/
➡️ Wineburg, S., McGrew, S., Breakstone, J., & Ortega, T. (2016). Evaluating information: The cornerstone of civic online reasoning. Graduate School of Education Open Archive.
➡️ International Federation of Library Associations and Institutions. (2021). How to spot fake news. https://www.ifla.org/publications/node/11174

TAMANG KAALAMAN, MABUTING KALUSUGAN

Back to page: For Patients and Partners in Care