What is Breast Cancer – Kanser sa Suso?

Lalo na tuwing #BreastCancerAwarenessMonth, huwag kalimutang suriin at alagaan ang iyong katawan. Ang maagang pagtuklas sa maaring problema ay makatukatulong sa epektibong paglunasgamot ng kanser sa suso.

✅ Ano ang kanser sa suso?
✅ Ano ang maaaring makita sa breast self-exam?
✅ Paano ko dapat kapain ang aking suso?
✅Kailan mabuting gawin ang breast self-exam?

REFERENCES: nationalbreastcancer.org, acog.org, Schwartz’ Principles of Surgery (11th edition), GLOBOCAN 2018

Ano ang Kanser sa Suso – What is Breast Cancer?

Ang kanser sa suso ay resulta ng abnormal na paglaki at pagdami ng mga cells sa suso. Maraming klase ng kanser na ito. Depende sa stage, ang kanser sa suso ay maaring maging isang maliit na bukol lamang o isang sakit na kumalat na sa buto, baga, atay, o utak. 

Dahil ang kanser sa suso ay maaring maging agresibo sa pagkalat, importante ang maagang pagtuklas at paggamot sa kondisyon na ito. Mas maganda ang maaring resulta ng angkop na paggamot kapag maaga ito nasimulan. 

Ayon sa isang pagsusuri noong 2018, ang kanser sa suso ang bumubuo sa 31.4% ng mga bagong kaso ng kanser sa kababihan. 

Ang maagang pagtuklas sa kanser sa suso ay ang pinakamabisang paraan para pabutihin ang paggamot nito. Agad-agarang kumonsulta sa doktor! 

Mga Maaaring Makita sa Breast Self-Exam

Ang breast self-exam ay isang praktikal na pamamaraan para matukoy kung mayroong mga pagbabago sa iyong suso. Nakatutulong ito sa maagang pagtuklas at paggamot ng kanser.

Ang inspeksyon ay isang bahagi ng breast self-exam. 

Humarap sa isang salamin at pansinin kung may pamumula, pamamaga, pagbubukol, tulo mula sa utong, pagpasok ng utong, at ibang pagbabago sa balat tulad ng pangungulubot. 

Ang pangangati ay maari ring pangunang sintomas ng sakit sa suso.

Gawin ito habang ang kamay ay nasa balakang at isa pa habang ang mga kamay ay nakataas.

Normal lamang na mayroong pagkakaiba sa laki at hugis ang magkabilang suso. Importanteng gawin ang breast self-exam nang regular upang matukoy kung may pagbabago na hindi karaniwan para sa iyo.

Ang mga pagbabago sa suso, katulad ng bukol o pamumula, ay maaring resulta ng iba’t ibang kondisyon. Ito ay maaaring benign o kanser na pala. Ang pagtukoy sa tunay na sanhi ay magagawa lamang ng masinsinang eksaminasyon at angkop na testing. Kumonsulta sa doktor! 

Paano Kapain ang Iyong Suso

Kapain ang suso habang nakatayo. Itaas ang kaliwang braso at gamitin ang kanang kamay para kapain ang kaliwang suso. Pagkatapos ay gawin naman ito para sa kabilang suso gamit ang kaliwang kamay. 

Gamitin ang dulo ng gitnang tatlong daliri para kapain ang suso. Pansinin kung mayroong mga bukol, paninigas o pangangapal, at pagkirot. 

Maaring simulan ang pagkapa sa may gilid ng utong at ituloy ito nang paikot-ikot hanggang makapa na ang buong suso. Importanteng makapa ang buong suso kasama ang kili-kili.

Pagkatapos, kapain din ang suso habang nakahiga. Maglagay ng unan sa ilalim ng kaliwang balikat, at ilagay ang kaliwang braso sa may taas ng ulo. Gamitin ang kanang kamay para kapain ang iyong kaliwang suso. Sunod ay gawin naman ito para sa kabila.

Pagkatapos ay marahang pisilin ang gilid ng utong gamit ang hinlalaki at unang daliri para makita kung mayroong tulo na lalabas.

Ang mga pagbabago sa suso, katulad ng bukol o pamumula, ay maaring resulta ng iba’t ibang kondisyon. Ito ay maaaring benign o kanser na pala. Ang pagtukoy sa tunay na sanhi ay magagawa lamang ng masinsinang eksaminasyon at angkop na testing. Kumonsulta sa doktor! 

Kailan Mabuting Gawin ang Breast Self-Exam?

Ugaliing gawin ang pagsusuri ng suso kada buwan. May mga pagbabago sa suso na maaring resulta ng hormonal changes dulot ng pagreregla. Mabuti itong gawin 7 hanggang 10 araw pagkatapos ng unang araw ng regla.

 REFERENCE: nationalbreastcancer.org

Ang maagang pagtuklas sa kanser sa suso ay ang pinakamabisang paraan para pabutihin ang paggamot nito. Agad-agarang kumonsulta sa doktor!

Back to page: For Patients and Partners in Care